KAAWA-AWA ang kalagayan ng isang dalagita na ginahasa na ay hiniwa pa ang dila subalit masuwerteng nabuhay.
Naisugod sa ospital ang dalagita sa La Union matapos matagpuan sa kakahuyan na duguan dahil sa nahiwang dila at bibig sa Sitio Nalvo Barangay Dagop, Bagulin, nabanggit na lalawigan.
Ayon kay Ruben Agsaullio, Lion minister sa bayan, habang pababa siya sa kakahuyan ay nakita niya ang 13-anyos na dalagita, ng La Trinidad Benguet na duguan ang mukha, may pasa sa braso at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Inakala ni Agsaullio na may sira sa ulo ang babae ngunit nagulat siya nang humingi ito ng saklolo dahil hirap itong huminga at nauuhaw na.
Dahil dito, agad nagpasaklolo si Agsaullio sa barangay at sa pamamagitan ng duyan ay binuhat nila ang nanghihinang dalagita at dinala sa Ilocos Training and Regional Medical Center sa San Fernando City, La Union.
Sa salaysay ng biktima, may mga lalaking nagyaya sa kanya na mamitas ng bulaklak ngunit hindi na niya maalala matapos suntukin ng ilang beses ang kanyang sikmura hanggang sa mawalan siya ng malay.
Napag-alaman din na isang lumang model na puting van ang nakita sa lugar bago natagpuan ang biktima.
Kagabi rin ay agad inilipat sa pribadong ospital sa lungsod ang dalagita upang operahan dahil sa mga sugat sa katawan.
Sa ngayon, patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.
The post Dalagita ginahasa na, hiniwa pa ang dila appeared first on Remate.