PATAY ang isang medico-legal officer ng Bureau of Corrections (BuCor) nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin kahapon sa Muntinlupa City.
Dead on arrival sa Alabang Medical Clinic si Dr. Juan Villacorta II, naglilingkod din bilang part-time physician sa naturang pagamutan at residente ng Block 29 Lot 1 Marang St., Camena Spring Ville, Bacoor, Cavite sanhi ng apat na tama ng bala sa likurang bahagi ng katawan.
Sa isinumiteng ulat kay Muntinlupa police chief Senior Supt. Roque Vega, kasama ng biktima ang nurse ng BuCor na nakatalaga sa New Bilibid Prison (NBP) na si Nayaflor Abe, 41, alas-3:45 ng hapon sa 3N Bakery sa Nestor III Siopao Center, National Road, Brgy. Putatan nang biglang pagbabarilin ng nag-iisang suspek na sumulpot sa kanilang likuran.
Agad na tumakas ang suspek sakay ng hindi naplakahang motorsiklo matapos pagbabarilin ang biktima.
Ayon kay Muntinlupa Police Criminal Investigation Unit PO3 Marlou Jacob, nakuha ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang apat na basyo ng bala ng kalibre .45 sa lugar na pinangyarihan ng krimen.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaslang at pagtukoy sa pagkakakilanlan ng suspek.
The post Medico-legal officer ng BuCor, itinumba appeared first on Remate.