NASAKLOLOHAN kaagad ng isang fishing boat ang 57 na sakay ng isang passenger vessel na nagkaaberya sa karagatan sa pagitan ng bayan ng Olutanga at Talusan sa Zamboanga Sibugay.
Sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) Zamboanga Station, nanggaling ang barko sa daungan ng Zamboanga City at papunta sa bayan ng Talusan nang salubungin ng malalakas na hampas ng alon na nagresulta para magkaaberya ang engine nito at pinasok ng tubig-dagat.
Natiyempuhan naman ang pagdaan ng fishing boat ng F/B Century sa lugar at namataan ang papalubog na barko kaya kaagad itong nilapitan at naisalba ng mga crew ang mga sakay nito kabilang ang ilang sanggol.
Isinakay sa fishing boat ang mga naisalbang pasahero at ibinalik sa Zamboanga City.
Walang napaulat na nasugatan sa insidente maliban na lamang sa matinding takot na dinulot sa mga pasahero.
Simula pa nitong nakaraang mga araw, nakararanas na ng sama ng panahon ang malaking bahagi ng Zamboanga Peninsula kaya una na ring pinag-iingat ng mga awtoridad ang mga biyahero para makaiwas sa anomang sakuna sa karagatan tulad ng nangyari sa naturang passenger vessel.
The post 57 pasahero, nailigtas sa nagkaaberyang barko sa Sibugay appeared first on Remate.