HINIHINALANG onsehan sa iligal na droga ang motibo sa pamamaslang sa 40-anyos na lalaki nang pagbabarilin ito ng hindi pa nakikilalang salarin habang nakatayo ang biktima sa isang tindahan kagabi sa Pasay City.
Dead on the spot ang biktimang si Herman Ortega, alyas “Tata”, miyembro ng “Sputnik Gang” at naninirahan sa 629 Rodriguez St., makaraang paputukan nang malapitan sa ulo at bahagi ng katawan ng hindi pa kilalang salarin.
Inaalam naman ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek na nakasuot ng helmet, puting t-shirt, may taas na 5’3, at armado ng hindi pa nabatid na kalibre ng baril na agad tumakas matapos ang pamamaril sa biktima.
Sa imbestigasyon, alas-9:40 ng gabi nang maganap ang insidente sa harap ng isang tindahan kung saan kabibili lamang ng mais ang biktima nang lapitan ng armadong lalaki at walang sabi-sabing pinagbabaril ito.
Matapos matiyak na patay na ang biktima, sumakay sa isang naghihintay na motorsiklo ang suspek at mabilis na tumakas patungo sa Tolentino St. hanggang tuluyang mawala sa paningin ng mga nakasaksi sa krimen.
Ayon naman sa ulat ni Senior Insp. Wilson Villaruel, hepe ng Police Community Precinct (PCP) 5 ng Pasay police na nakakasakop sa lugar na pinangyarihan ng krimen, kilala umanong sangkot sa pagpapakalat ng iligal na droga sa naturang lugar ang biktima.
The post Onsehan sa droga: Kelot itinumba sa Pasay appeared first on Remate.