TATLONG sasakyan ang inararo ng rumaragasang kotse na minamaneho ng lasing na kawani ng Department of Transportation and Communication (DOTC) kung saan nahagip ang tumatawid na pedicab driver na nagresulta sa pagkakasugat nito kaninang madaling-araw sa Pasay City.
Nagtamo ng bahagyang sugat sa bahagi ng katawan si Donato Portento, 38 ng Blk. 7 Lot 7 Saint Mary St., Maricaban makaraang mahagip ng nagkarambolang sasakyan habang patawid sa Aurora Blvd. kung saan nangyari ang insidente.
Sa imbestigasyon, ala-1:45 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kanto ng Aurora Blvd. at Saint Agustine St. matapos mawalan ng kontrol sa minamanehong Honda Civic (UDN 968) si Dexter Chavez, 31, screening officer sa Office for Transportation Security ng DOTC at nakatalaga sa NAIA Terminal 1.
Ayon sa pulisya, lasing si Chavez habang minamaneho ang sasakyan sa Aurora Blvd. patungong EDSA nang mahagip ng kaliwang gulong ng kotse ang center island.
Kinabig ni Chavez ang manibela sa gawing kanan subalit nahagip naman niya ang kotseng minamaneho ni Louie Lacson, 39, ng Valenzuela City at ang kotseng may plakang TXW-358 na minamaneho ng isang Gregorio Alog, Jr. 44 ng Maricaban, Pasay City pati na ang nakaparadang motorsiklo na pag-aari naman ni Froilan Jay Romana, 23.
Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property at physical injury si Chavez sa Pasay City Prosecutors Office.
The post 3 inararo ng senglot na DOTC employee sa Pasay appeared first on Remate.