BINALAAN ng Food and Drugs Administration (FDA) ang publiko laban sa pagbili ng pekeng mga bakuna sa pamamagitan ng internet.
Ito’y matapos matuklasang may limang uri ng bakuna ang ipinagbibili sa Philippine buy-and-sell website na kinabibilangan ng Meningo Vaccine Home Service Vaccination; 5 in 1 vaccine SM Fairview area; Cervical cancer vaccines (Healthway Clinics); Immunization Cervical Cancer + Pneumoccal vaccine; at Immunization – Pneumoccal vaccine (Christmas promo).
Batay sa Advisory 2014-004 ng Food and Drug Administration (FDA), simula pa noong Disyembre 16, 2013 ay natuklasan nilang may mga patalastas na sa website na sulit.com.ph hinggil sa mga naturang ipinagbibiling bakuna.
“All consumers are hereby warned against buying their medicines (through) the Internet. Buying prescription and over-the-counter drugs from the buy-and-sell website like sulit.com.ph is risky. The advertisers may be bogus,” babala pa ni FDA chief Kenneth Hartigan-Go.
Ayon kay Hartigan-Go, bagamat ang mga link sa mga naturang site ay mukhang propesyunal at lehitimo, maaari pa rin aniyang ito’y illegal na operasyon lamang o scam.
Sinabi pa ni Hartigan-Go na ilan sa mga senyales ng pandaraya at scam ay ang pag-aalok ng advertiser ng magbenta ng prescription drugs; kahit walang prescription hindi pagbibigay ng advertisers ng reliable telephone number; pag-aalok ng mas mababang presyo; at pagpapaskil ng prescription products na nangangailangan ng special handling o storage.
Iniulat rin naman ng FDA na pinuproseso pa nila ang nag-iisang aplikasyon na natanggap nila para sa license to operate ng isang online pharmacy.
Nauna rito, nakipagtulungan naman umano ang may- ari ng sulit.com.ph sa FDA at inalis sa website ang may 166 medisina, na karamihan ay mga prescription vaccines at biological products para sa tao at mga alagang hayop, noong Nobyembre.
The post Pekeng bakuna online ibinabala ng FDA appeared first on Remate.