POSIBLENG tumagal pa hanggang Miyerkules ang pananalasa ng bagyong Agaton habang mabagal na kumikilos patungo sa bahagi ng Surigao.
Ayon kay PAGASA forecaster Fernando Cada, umaabot sa 5-kilometro kada oras ang kilos ni “Agaton” na taglay ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro bawat oras.
Binabagtas ng bagyo ang direksyong Timog-kanluran na huling namataan sa layong 166 kilometro sa silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur, alas-4:00 Linggo ng madaling-araw.
Iniulat ng PAGASA na walong lugar na lamang sa Mindanao ang nasa ilalim ng public storm signal number 1 at ito ang:
- Surigao del Sur
- Surigao del Norte kasama ang Siargao Island
- Dinagat Province
- Agusan del Norte
- Agusan del Sur
- Davao Oriental
- Compostela Valley
Sinabi pa ni PAGASA weather forecaster Samuel Duran, inaasahang mananatili si “Agaton” sa Philippine area of responsibility (PAR) hanggang sa Martes o Miyerkules at posibleng tumama sa Davao del Sur sa Lunes o Martes.
Hindi rin inaalis ng PAGASA ang posibilidad na bumalik sa pagiging low pressure area (LPA) ang bagyo matapos tumama sa kalupaan.
Samantala, bagamat inalis na ang babala ng bagyo sa Visayas, makararanas pa rin ang ilang bahagi nito ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan na posibleng magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Malakas na pag-ulan naman ang aasahan sa Caraga, Davao Oriental at Compostela Valley.
Magiging maaliwalas naman ang natitirang bahagi ng Mindanao partikular na sa Zamboanga Peninsula kung saan pulo-pulong pag-ulan, pagkulog-pagkidlat lamang ang posibleng maranasan.
Mahinang pag-ulan naman ang mararanasan sa Bicol Region maging sa Metro Manila habang magiging maulap sa nalalabing bahagi ng Luzon.
Binabalaan ng PAGASA ang mga mangingisda sa malalaking alon sa mga karagatan sa Luzon at Visayas.
The post ‘Agaton’ posibleng tumagal hanggang Miyerkules appeared first on Remate.