KRITIKAL ang isang driver matapos saksakin ng kasamahan nang sitahin ng una ang ginawang pagmumura ng huli habang nag-iinuman sa Valenzuela City, Sabado ng gabi, Enero 18.
Inoobserbahan sa Jose Reyes Memorial Medical Center sanhi ng saksak sa katawan si Renato Pancilo, 48, ng G. Marcelo St., Maysan, nasabing lungsod.
Nadakip naman si Michael Luna, 36, ng Sitio Kabatuhan, Gen. T. De Leon.
Sa ulat, alas-7:30 ng gabi, kainuman ng biktima at ng suspek ang ilang kasamahan sa tapat ng Value Work Factory sa M. Gregorio St., Canumay West nang murahin ni Luna si Pancilo.
Sinita ng biktima ang suspek na ikinagalit ng huli at nang papasok ang una sa pabrika ay nilapitan at inakbayan ng suspek bago sinuntok subalit nakailag.
Gumanti ang biktima at nasuntok ang suspek sa mukha na naging dahilan upang pumasok sa pabrika at paglabas ay may dalang patalim at walang salitang sinaksak ang una.
Naawat naman ng mga kasamahan ang dalawa hanggang sa dalhin sa JRMMC ang biktima habang nadakip ang suspek ng mga barangay tanod.
The post Driver kritikal sa palamurang kasama appeared first on Remate.