PATAY ang tatlong bata habang nasa kritikal na kondisyon ang tatlo pa makaraang malason sa tubig ng ilog sa Brgy. Maloh, Siaton, Negros Oriental.
Nakilala ang mga nasawing magkapatid na sina Sandy, 8, at Raniel Tabilon, 7 taon; at pinsang si Justin Bahandi, 3.
Habang kritikal naman sa Negros Oriental Provincial Hospital (NOPH) sa Dumaguete ang magkakapatid na sina Randy, 13; Ramil, 5; at Russel Tabilon, 3.
Ayon sa pulisya, hindi ang tubig mula sa bote ng mineral water na natagpuan sa ilog ang ikinalason ng mga biktima kundi ang mismong tubig na nanggaling sa ilog.
Base sa imbestigasyon, nakitang may mga patay na hipon at isdang lumulutang sa naturang ilog kung saan ayon sa salaysay ng isang babaeng naglalaba sa naturang ilog ay nakaramdam din siya ng kakaiba makaraang maibabad ang kanyang kamay sa tubig nito.
Kasalukuyang iniimbestigahan kung may mangingisdang naglagay ng lason sa ilog o ‘di kaya’y magsasakang naglagay ng insecticide sa kalapit na bukid na naka-kontamina sa tubig.