NATANGAY ang pera at mga alahas ng biyudang negosyante makaraang mabiktima ng dugo-dugo gang ang kasambahay nito sa Valenzuela City, Huwebes ng tanghali (Enero 31).
Aabot sa P500,000 halaga ng alahas at 500 Euro ang natangay kay Sabina Sulit-Buela, 60 ng Metrovilla Centre, Mapulang Lupa ng lungsod.
Sa pahayag ng kasambahay ng biktima na si Abigail Deleña, 17, dakong alas-12:45 ng tanghali, nakatanggap siya ng tawag mula sa telepono sa nagpakilalang Marites at sinabing nasa presinto ang kanyang amo at nangangailangan ng pera upang ipang-areglo sa naaksidente.
Inutusan ng caller ang kasambahay na kunin ang mga pera at alahas ng amo na nasa kuwarto na agad na sinunod ni Deleña.
Inutusan pa ang kasambahay na magpunta sa Malinta malapit sa gasolinahan at doon kukunin ang pera at alahas.
Pagsapit sa nasabing lugar ay isang babae na nagpakilalang Nancy ang lumapit sa kasambahay at sinabing iabot ang mga dala at siya na ang bahalang magdala sa presinto.
Sumunod naman ang kasambahay at matapos maiabot ay umuwi na subalit muling nakatanggap ng tawag mula sa cellphone at sinabing peke ang mga dalang alahas at kailangan bumalik upang kumuha pa.
Sa pag-aakalang totoo ang sinasabi ng kausap ay muling kumuha ng alahas si Deleña subalit paglabas ay nakita ng isa pang katulong na si Editha Medina na tumawag sa guwardiya at sinabing huwag palabasin si Deleña.
Nang malaman ni Medina ang pangyayari ay agad na nagpunta sa opisina ng amo at nalaman na nabiktima sila ng dugo-dugo gang na naging dahilan upang magpunta sa presinto at magreklamo.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga pulis upang malaman kung sino ang mga suspek.