KRITIKAL ang isang mister nang barilin ng kanyang bayaw matapos pagbuhatan ng kamay at tangkaing tagain ang asawa ng una linggo ng gabi sa loob ng kanilang bahay sa Navotas City.
Inoobserbahan sa Tondo Medical Center si Fernando Esgana, 40, fish porter ng 490 Carnation St., Northbay Boulevard South sanhi ng isang tama ng kalibre 38 sa tiyan.
Pinaghahanap naman ng mga pulis ang suspek na si Efren Gelbuena, security guard, bayaw ng una.
Sa imbestigasyon, alas 6:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng kanilang bahay sa nasabing lugar.
Nag-iinuman sina Fernando at Efren at nang malasing ay kinumpronta ng biktima ang kanyang misis na si Mercedita na humantong sa mainitang pagtatalo.
Sa gitna ng argumento ay napikon at sinuntok ng biktima ang asawa sa mukha at nang tangkain pa nitong tagain ay dito na siya malapitang binaril ng bayaw sa tiyan saka mabilis na tumakas.
The post Mister binaril ng bayaw, malubha appeared first on Remate.