PATONG-PATONG na kaso ang isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DoJ) laban kina Cedric Lee, Deniece Cornejo at iba pang kasabwat kaugnay sa pambubugbog sa TV host/actor na si Vhong Navarro.
Anim na kaso ang isinampa kina Lee at Cornejo, kabilang na ang serious illegal detention, na isang non-bailable offense.
Bukod dito, kinasuhan din ang grupo ni Lee ng grave threat, illegal arrest, grave coercion at extortion.
Si Berniece Lee, kapatid ni Cedric Lee, at 3 pang suspek ay dawit din sa kaso.
Kabilang sa mga dokumento na hawak ng NBI ay ang sworn statement ni Navarro, ang medico legal, salaysay ng mga security guard na naka-duty noong gabi ng maganap ang pambubugbog, salaysay ng pulis na nagpasok ng blotter, at ang CCTV footages na kuha mismo sa condominium unit ni Cornejo.
Ngayong araw ay personal na nagtungo sa ospital ang mga ahente ng NBI kung saan nilagdaan at sinumpaan ni Navarro ang kanyang complaint-affidavit.
Ikinatuwa naman ng kampo ni Navarro ang mga pahayag nina Lee at Cornejo sa ilang media interviews dahil lalo lamang itong nagdiin sa dalawa dahil sa pabago-bago nilang salaysay.
The post Nambugbog kay Vhong, kinasuhan sa NBI appeared first on Remate.