NAKULWEYUHAN na ng pulisya ang sampung kalalakihan na responsable sa pagdukot at pagpatay sa isang negosyante sa Labangan, Zamboanga del Sur.
Hindi na nakapalag pa at sumuko nang matiwasay ang lima sa mga suspek na sina Ronald Japal Luzon, alyas “Dodong”, 30; Jovencio Manandi Luzon, alyas “Ben”, 45; Danny Manandi Luzon, 42; kasama rin ang mag-asawang sina Ray Bastillada Mansa, 43, at Lucita Jarantella Mansa, 39.
Sumunod naman na bumagsak sa isa pang operasyon sa parehong barangay ay sina Tado Balatocal, alyas “Tayan”, 26, at nakuha sa kanya ang halagang P5,000, dalawang unit ng cellphone, at isang granada.
Inilatag naman ang huling operasyon sa may Balabagan, Lanao del Sur at naaresto ang apat pang mga kidnapper na sina Dante Gador Mangubat, 42; Sergio Clamor Cabana, 48; Efren Cabana Sisiban, Jr., 21, at ang isang Efren Sisiban, Sr., 51.
Sinabi ni Zamboanga del Sur provincial police director S/Supt. Sofronio Elcalde, ang pag-aresto sa mga suspect ay resulta ng tatlong magkasunod na entrapment operation na inilatag ng magkasanib na puwersa ng PNP at militar sa lalawigan ng Zamboanga del Sur at sa Lanao del Sur.
Ang nasabi aniyang operasyon ay matapos makipag-ugnayan sa kanila ang pamilya ng dinukot na biktima na si Edmund Corpus Estipa sa pangatlong ransom money na hinihingi sa kanila ng mga kidnapper.
Dinukot ang 31-anyos na biktima noong Nobyembre 25, 2013 sa kanyang bahay sa Barangay Dalapang sa bayan ng Labangan.
Nabatid pa na hindi bababa sa kalahating milyong piso na ransom money na ang naibigay ng pamilya ng biktima sa mga kidnapper sa dalawang magkahiwalay na pay off nitong nakaraang buwan.
At sa ikatlong pagkakataon, naibaba sa P150,000 ang hinihiling na ransom money na ikinahuli ng mga kidnapper.
Nakumpiska sa mga suspect ang dalawang unit ng caliber .38 revolver, iba’t ibang mga baril, bala at mga fragmentation grenade, P6,000 at cellphone.
Si Balatocal ang kokolekta ng pangatlong ransom money na hiningi nila sa pamilya ng biktima.
Umamin naman ang isa sa mga suspek na noong Enero 3 nang patayin nila ang biktima at inihulog ang bangkay nito sa dagat.
The post 10 kidnapper na pumatay sa negosyante, nasilo appeared first on Remate.