DALAWANG katao ang sugatan nang suwagin ng isang baka na nakawala sa slaughter house sa Pangasinan kaninang madaling-araw, Enero 30.
Kapwa isinugod sa pagamutan sanhi ng kapansanan sa katawan ang mga biktima na sina Propero Barrozo at Hilda Salindong sa bayan ng Mangaldan sa Pangasinan.
Sa ulat, naganap ang insidente ala-1:15 ng madaling-araw sa loob ng bakuran ng mga biktima.
Bago ito, kakatayin na ang nasabing hayup ng isa sa mga matador nang biglang makaalpas at nakipagpatintero sa mga dumadaang sasakyan sa A.B. Fernandez Avenue.
Halos pitong kilometro ang tinakbo ng baka at sa katunayan ay ilang tricycle pa ang nabangga nito.
Napasok din ng baka ang bakuran nina Barrozo at Salindong subalit muling nagwala ang hayop at sinuwag ang dalawa.
Ilang minuto pa ang lumipas bago napakalma ang baka na may market value na P46,000 at nahuli rin at agad kinatay.
The post Baka nakatakas sa slaughter house, nanuwag ng 2 appeared first on Remate.