SELOS ang hinihinalang motibo sa nangyaring paghahagis ng granada ng hindi pa mga kilalang suspek sa tanggapan ng isang travel agency kaninang madaling-araw sa Pasay City.
Ito’y makaraang ihayag sa pulisya ni Jennifer Alba, 40, may-ari ng Jam Travel Services na nasa No. 1 Apollo St., Airlane Road na tumanggap na siya ng pagbabanta sa isang alyas “Babes” na naging ka-live-in ng dati niyang malapit na kaibigan bago nangyari ang paghahagis ng granada sa kanyang tanggapan.
Sa pahayag ni Alba kay SPO1 Cris Gabutin, may hawak ng kaso, noon pang Oktubre ng nagdaang taon ay nakatanggap siya ng mensahe na sa kanyang paniniwala ay mula sa dating ka-live-in ng kanyang naging malapit na kaibigan na kinilala lamang sa alyas “Jojo” na nagsabing sisingilin na siya sa kanyang pagkakautang.
Nagsimulang magselos si Babes nang maging malapit ang loob niya kay Jojo subalit matagal na silang walang komunikasyon ng lalaki at hindi niya alam kung bakit nagbabanta pa rin ang dating kinakasama nito.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na inihagis ng isa sa dalawang lalaking sakay ng isang motorsiklo ang granada sa loob ng travel agency dakong ala-1:58 ng madaling-araw matapos basagin sa pamamagitan ng bato ang pintuang salamin ng establismyento.
Bagama’t walang nasaktan o nasawi sa nangyaring insidente, sinabi ni Pasay City police chief Senior Supt. Florencio Ortilla na nawasak ang halos lahat ng mga kagamitan sa loob ng tanggapan na aabot sa mahigit P50,000 ang halaga.
Sa ginawang follow-up operation ng pulisya, nadakip ang isang Cheaster Quadra, 25, residente ng 4398-A Sto. Niño St., Parañaque City matapos ireklamo ng panunutok ng baril ni Ryan de Veyra, 36.
Nakuha sa motorsiklo ni Quadra ang isang itim na bonnet na kahalintulad ng suot ng dalawang suspek na naghagis ng granada bagama’t nabigo naman siyang ituro ng ilang testigo.
The post UPDATE: Pagpapasabog sa travel agency sa Pasay dahil sa selos appeared first on Remate.