NALAGAS ang tatlong miyembro ng drug group syndicate habang dalawa naman ang nasugatan sa awtoridad nang makaengkwentro ang dalawang panig sa Surigao City kaninang umaga, Pebrero 9.
Dead on the spot sanhi ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga suspek na nakilala lamang sa alyas Jamil, Mail at Bogs.
Sugatan naman sa putukan at nakaratay pa ngayon sa pagamutan ang dalawang miyembro ng PNP na hindi nakuha ang mga pangalan.
Sa ulat, naganap ang insidente alas-9 ng umaga sa isang bahay sa Barangay Luna, sa Surigao City.
Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director-General Arturo Cacdac, Jr., bago ang engkuwentro, magsisilbi ang tauhan ng PDEA at Philippine National Police (PNP) ng search warrant sa bahay ng mga suspek.
Pero hindi pa man nakalalapit sa bahay ay pinaputukan na agad ang mga magsisilbi ng warrant of arrest.
Tawag ng tungkulin, gumanti ng putok ang mga operatiba ng PDEA at PNP at napatimbuwang ang mga suspek.
Nakuha sa sagupaan ang 16 pakete ng shabu na may timbang na 250 gramo.
The post 3 drug group, lagas sa Surigao encounter appeared first on Remate.