PINALAYA na mula sa kulungan ang pitong miyembro ng “Termite Gang” makaraang ibasura ng piskalya ang mga kasong isinampa ng pulisya laban sa kanila matapos silang magtangkang manloob sa mga bahay-sanglaan sa pamamagitan ng pagdaan sa imburnal noong nakaraang linggo sa Pasay city.
Batay sa tatlong pahinang resolusyon na inilabas ni Pasay city assistant city prosecutor Allan Mangabat, mahina ang naging basehan ng pulisya upang isampa ang mga kasong attempted robbery, malicious mischief at alarm and scandal kaya’t iniutos ang pagpapalaya sa mga nadakip na suspek na sina Mark Campus, Florentino Manuel, Jr., magkapatid na Rodrigo at Rolando Yumul, Armando Leonardo, Jr., Marlito Segura at Marlon Zafe,
Samantala, iniutos ni Mangabat ang pagsasagawa ng preliminary investigation laban sa pito sa mga kasong attempted trespass habang maaari pang isagawa rin ang preliminary investigation sa kasong malicious mischief kung sakali at maghahain ng reklamo ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ipinaliwanag ni Mangabat sa kanyang resolusyon na wala pang patunay na nagtatangkang manloob ang mga dinakip na suspek kaya’t hindi maaaring isampa ang kasong attempted robbery habang wala namang basehan ang kasong alarm and scandal dahil nasa loob ng imburnal ang mga kinakasuhan.
Wala rin aniyang isinumiteng affidavit ang MMDA na magpapatunay na may nasirang gamit o imprastraktura ang mga suspek bagama’t maaari pang isagawa ang muling pag-iimbestiga sa kaso kung sakali mang maghain ng reklamo ang ahensiya.
Matatandaan na inabot ng pitong oras ang operasyon ng pulisya bago tuluyang lumabas ng imburnal ang mga suspek kung saan nakuha sa kanila ang ilang mga kagamitan sa paghuhukay ng madaraanan patungo sa hilera ng mga bahay-sanglaan na umano’y target na looban.
The post 7 ‘Termite gang’ na natiklo sa Pasay laya na appeared first on Remate.