NASABAT ng awtoridad ang saku-sakong mga bigas na nagkakahalaga ng P2.4 milyon na hinihinalang ipinuslit sa Zamboanga City.
Naharang ng mga tauhan ng Philippine Navy ang MVT Rossanda 5 sa karagatang bahagi ng Great Sta. Cruz Island habang nagsasagawa ng maritime security operation.
Agad namang ininspeksyon ang naturang barko at dito tumambad ang 3,000 sako ng fabulous triple A rice na napag-alamang walang kaukulang dokumento para sa pagi-import.
Mula sa Malaysia ang nasabing kontrabando at sinasabing pagmamay-ari ito ng isang Haji Akkap Samindara na nakatakda sanang dalhin sa iba’t ibang lugar.
Hawak na ng Bureau of Customs (BoC) ang mga nasabat na bigas samantalang iniimbestigahan na ang anim na tripolante ng barko kabilang na ang kapitan nitong kinilalang si Rigduan Sali.
The post P2.4M smuggled rice nasabat sa Zamboanga appeared first on Remate.