MAHIGIT sa P8 milyong halaga ng ari-arian ang natupok ng apoy kung saan dalawa ang patay at tatlo ang sugatan sa naganap na sunog na tumupok sa may 72 bahay kagabi sa Taguig City.
Kinilala ang biktima na si Norvada Diamla, 45, na-trap sa loob ng kanyang bahay nang tangkaing makuha ang iba nilang mahahalagang gamit habang inatake naman sa puso si Pakiriam Kudarat, 61, habang minamasdan ang bahay habang nilalamon ng apoy.
Nagtamo naman ng 1st degree burn si Camila Tabawa habang napilayan sina Alan Pomene at Suraida Solayman nang tumalon sa ikalawang palapag nang nasusunog na bahay, pawang isinugod sa Taguig-Pateros District Hospital ang mga nasugatan.
Ayon kay Arson Division Chief Insp. Jerson Ian Montillana, nagsimula ang sunog sa bahay ng isang Tong Tagayao alas-9:25 sa Mindanao Avenue, Maharlika Village at mabilis na kumalat sa mga kabahayan na pawang yari sa light materials.
Umabot ang alarma ng sunog sa Task Force Alpha bago tuluyang maapula dakong alas-11:10 ng gabi na nagresulta sa pagkawala ng tirahan ng may 92 pamilya.
Kaagad namang iniutos ni Taguig Mayor Lani Cayetano sa lokal na Social Welfare and Development ang pag-aasikaso sa mga nasunugan na pansamantalang nanunuluyan sa Maharlika Trade Center.
Nagpaabot ng kanyang pakikiramay ang alkalde sa mga nasunugan at nangako na mamamahagi ng kaukulang tulong, lalo na sa pagkain at pangunahing gamit na kailangan ng mga biktima.
The post 2 patay, P8-M ari-arian natupok sa sunog sa Taguig appeared first on Remate.