PATAY ang 48-anyos na Overseas Filipino Worker (OFW) matapos lumahok sa Worldwide Walk ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Macau noong Sabado.
Sa report, nasagasaan si Imelda Ignacio-Austria malapit sa Macau Tower matapos tumawid kasama ang dalawa pang Pinay bandang ala-10: ng umaga nitong Sabado.
Katatapos lang ng INC walk-for-a-cause para sa mga nabiktima ni ‘Yolanda’ kung saan kasama si Austria.
Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang Pinay worker.
Sa report ng pulisya, posibleng nag-jaywalk ang biktima.
Inimbestigahan nila ang 20-anyos na drayber ng sasakyang nakabangga kay Austria ngunit pasado ito sa breathalyzer test.
Sinabi naman ng sister-in-law nitong si Beng Austria na hindi nila ma-contact ang konsulado ng Pilipinas sa Macau kaya hindi sila makahingi ng tulong.
Naninirahan sa Porac, Pampanga ang asawa at dalawang anak ni Austria.
Humihingi ng tulong ang pamilya nito sa gobyerno upang makasuhan ang nakabangga sa biktima.
The post Pinay sa Macau patay sa marathon appeared first on Remate.