UMAKYAT na sa 13 ang namatay habang 130 ang sugatan sa patuloy na karahasan sa Venezuela.
Linggo nang sumugod sa lansangan ang libo-libong demonstrador kabilang ang ilang mag-aarala bilang protesta kontra kay Venezuelan President Nicolas Maduro.
Nitong Lunes naman, binarikadahan ng mga militante ang mga pangunahing lansangan papasok sa Caracas sa kabila ng panawagan ng oposisyon na huwag nilang isara ang mga daanan sa kapital ng bansa.
Maraming raliyista ang nasugatan matapos makasagupa ang pulisya na naghagis pa ng tear gas sa kanilang hanay.
Inaresto naman ng ilang militanteng mag-aaral at raliyistang nananawagan sa paglaya ng lider ng oposisyon na si Leopoldo Lopez na inaresto nitong Pebrero 18 dahil sa pag-udyok sa mga raliyista.
Sa nakalipas na dalawang linggo, iginigiit ng mga raliyista na mapatalsik ang kanilang presidente na kanilang sinisisi sa mataas na unemployment rate gayundin sa kakulangan ng pagkain, madalas na pagkakaroon ng blackout, talamak na krimen at malalang ekonomiya ng Venezuela.
The post 13 patay, 130 sugatan sa protesta sa Venezuela appeared first on Remate.