ISANG preso ang namatay sa detention cell ng Quezon City Police District Station 3 Talipapa matapos magwala at iuntog ang kanyang ulo sa pader kagabi Pebrero 3, 2013.
Kinilala ang biktima na si Roberto Marasigan, 32, na idineklarang dead on arrival sa Quezon City General Hospital sanhi ng matinding pinsala sa ulo.
Si Marasigan ay nakapiit dahil sa kasong paglabag sa PD 1866 O illegal possession of firearms.
Ayon sa ulat ng Quezon City Police District Station 3 Talipapa, naganap ang insidente dakong 6:00 kagabi sa loob ng QCPD station 3 detention cell.
Sinabi ni SPO1 Edwin dela Cruz na nagwala ang biktimang si Marasigan sa loob ng detention cell at iniuntog ang kanyang ulo dahilan para magtamo ito ng pinsala sa ulo.
Tinangkang pahupain ng kanyang mga kasamahang preso ang biktima at mga pulis subalit patuloy nitong inuntog ang kanyang ulo sa pader.
Agad isinugod ang biktima sa naturang ospital subalit binawian din ng buhay.