SINAPAK ng alkalde ng Pagadian City ang 16-anyos na basketball player matapos magkainitan sa basketball game sa Dipolog City, Zamboanga del Norte.
Tapos na ang laban at nagkakamayan na ang mga manlalaro ng magkalabang team ng Pagadian at Zamboanga Sibugay nang pumasok sa court si Pagadian Mayor Romeo Pulmones na galit na galit at agad sinapak ang 16-anyos na basketbolista.
Kuwento ng biktima, matapos masapak ay sinuntok pa siya sa likuran ng kanyang tenga ng isa sa mga kasama ng alkalde.
Sabi ng coach ni “Cesar” na si Jonito Ladayan, galit na galit ang alkalde habang nagsisisigaw at pinagmumura ang technical committee at referee ng laro.
Bago ito, unang nagkainitan ang magkalabang koponan pero naayos din at natanggap ng team ng Pagadian ang kanilang pagkatalo.
Wala namang pahayag ang kampo ni Pulmones sa pangyayari.
Pagpupulungan pa naman ng mga opisyal ng delegasyon ng Zamboanga Sibugay kung ano ang mga susunod nilang hakbang.
The post Pagadian Mayor nanapak ng 16-anyos na basketbolista appeared first on Remate.