SUGATAN ang isang state prosecutor nang sakalin ng preso habang papalabas ng korte sa Quezon City kaninang umaga.
Nagtamo ng mga galos sa leeg sanhi ng pagkakasakal ang biktimang si QC Regional Trial Court Senior Deputy State Prosecutor na si Richard Fadullon.
Naawat naman agad ng mga jail guard at ngayon ay nakakulong na ulit sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang convicted kidnapper na si Onofre Surat Jr.
Sa ulat, naganap ang insidente alas-10 ng umaga sa labas ng isang korte sa QC-RTC.
Bago ito, dininig ni Fadullon ang kaso ng naturang preso pero nang matapos at palabas na ito ng court room ay biglang siyang sinakal nito.
Ayon sa mga nakasaksi, sa harapan nakaposas ang dalawang kamay ng suspek kaya nagawa pa rin nitong sakalin si Fadullon.
Si Surat Jr., ang itinuturong dumukot at pumatay sa anak ni dating QCRTC Judge Marciano Bacalla na nakilalang si Harris.
Kaugnay nito, hiling ni Fadullon na mas higpitan pa ang seguridad sa court rooms upang maiwasan ang kahalintulad na pangyayari.
The post QC state prosecutor sinakal ng hinatulang preso appeared first on Remate.