PATAY ang isang sekyu matapos barilin sa mukha at katawan ng ‘di nakilalang suspek kagabi sa loob ng kanyang pinapasukang hotel sa Sta. Cruz, Maynila.
Namatay noon din ang biktimang si Jomar Ladioa, Officer-in-Charge sa Emperor Kingdom Hotel sa 1025 Florentino Torres St., Sta. Cruz, Maynila.
Nabatid na naka-duty na ang biktima nang bigla na lamang pasukin ng hindi nakilalang suspek sa likurang entrada ng hotel ganap na alas-8:39 kagabi.
Ilang testigo sa lugar ang nagsasabi na nakaantabay na ang suspek sa labas ng hotel at tiniyempuhan lamang na bumukas ang pinto kung saan naroon ang biktima saka agad pinasok at binaril sa mukha at dibdib.
Nakasuot ng jacket ang suspek at nakasumbrero at kaswal lamang na naglakad matapos ang insidente.
Inaalam naman ng pulisya kung may CCTV sa lugar upang matukoy ang pagkakilanlan ng suspek na tumakas.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
The post Sekyu itinumba sa loob ng hotel appeared first on Remate.