DAHIL sa nabukas na gripo, nadiskubre ng isang dalagita ang bangkay ng kanyang lolo at lola sa loob ng kanilang banyo sa Cabuyao, Laguna kaninang madaling-araw, Marso 2.
Kapwa mga putok ang ulo sanhi nang paghataw ng kahoy na nagmula sa sirang upuan ang mag-asawang sina Cristuto Supoia, 81 at misis nitong si Leticia, 78.
Blangko pa ang Cabuyao PNP sa kung sino ang nasa likod ng pamamaslang pero ibinasura na agad na pagnanakaw ang motibo dahil wala namang nawawalang mahahalagang gamit ang mag-asawa.
Nadiskubre ang bangkay ng mag-asawang Supoia sa kanilang bahay sa Mabuhay City Subdivision sa Barangay Mamatid sa Cabuyao, Laguna kaninang 2:30 a.m.
Bago ito, nagising ang 14-anyos na apo ng mag-asawa na hindi ibinunyag ang pangalan dahil narinig nitong bukas ang gripo sa kanilang banyo.
Pero nasa sala pa lamang ang dalagita nang may nakitang bahid ng dugo sa sahig ng kanilang sala at nagkalat ang pira-pirasong silyang kahoy.
Kinutuban, sinundan nito ang bakas ng dugo na tinutumbok ay ang kanilang banyo at nang silipin ang loob ay nabulaga dahil nakita niyang duguan at wala nang buhay ang kanyang mahal sa buhay.
Ayon kay Col. Leonard Luna, hepe ng Cabuyao Police, posibleng sa sala pa lamang ay pinatay na ang mag-asawa at saka kinaladkad sa banyo.
Wala ring bakas na puwersahang pinasok ang bahay ng mag-asawa kaya malamang na kakilala nila ang mga suspek.
Kasama sa bahay ng mag-asawang namatay ang kanilang tatlong apo na may edad 6, 12 at 14.
The post Mag-asawang senior citizen, dinedbol sa bahay appeared first on Remate.