KALABOSO ang isang bading nang maaresto sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya makaraang bumuhos ang reklamo rito at itinuturong tulak ng iligal na droga sa kanilang lugar sa Taguig City.
Kinilala ni Chief Insp. Jerry Amindalan, hepe ng Station Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group ((SAID-SOTG), ang suspek na si Salvador Isaac, Jr., nasa hustong gulang, ng 24 Col. Bravo St., Central Signal Village na nahulihan ng apat na pakete ng shabu.
Sa imbestigasyon, nagawang makipag-transaksiyon nina SPO1 Marvin Zata at PO3 Joseph More kay Isaac makaraan ang ilang linggong pagmamanman kaugnay sa kanilang iligal na aktibidad.
Alas-7:45 ng gabi nang isagawa ang operasyon laban kay Isaac kung saan sinalakay na nila ang bahay nito na nagresulta sa pagkakakumpisa ng hindi pa batid na gramo ng shabu at mga paraphernalia sa paggamit nito.
Pinasalamatan naman ni Taguig police chief Senior Supt. Arthur Felix Asis ang pagbibigay ng impormasyon ng mga residente sa illegal na aktibidad ng suspek na naging dahilan upang madakip ito.
Ayon kay Asis, may lakas na ng loob ang mga residente na magbigay ng impormasyon sa mga sangkot sa iligal na droga kaya’t karamihan sa mga operasyon ng kanyang mga tauhan ay nagiging matagumpay.
Kilala na rin ng pulisya ang supplier ni Isaac ng illegal na droga bagama’t tumanggi muna ang pulisya na pangalanan ito dahil patuloy ang ginagawang operasyon.
The post Bading dakip sa buy-bust sa Taguig appeared first on Remate.