HINALANG pinatahimik o ginantihan ng mga hindi nakilalang salarin ang dalawang lalaki kabilang ang isang menor-de-edad na mga miyembro ng “pitas gang” nang pagbabarilin ng armadong riding-in-tandem kagabi sa Taguig City.
Dead-on-the-spot si Renato Nolasco, Jr., ng 177 Q 24th Avenue, Brgy. East Rembo, Makati City sanhi ng tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa dibdib habang ginagamot pa sa hindi binanggit na pagamutan ang kasamahan niyang si John Rodel Pintukan, 15, ng 19th Avenue, East Rembo Makati City na nahagip din ng bala.
Sa imbestigasyon, alas-8:30 kagabi nang maganap ang insidente sa C-5 Road malapit sa Market Market, Fort Bonifacio, nabanggit na lungsod.
Nauna rito, nagtatatakbuhan patungo sa center island ang mga biktima kasama ang isa pang hindi nakilalang binatilyo nang salubungin ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo at sa hindi nalaman na kadahilanan ay pinagbabaril ng mga suspek ang tatlo kung saan napuruhan kaagad si Nolasco na duguang bumulagta pasubsob sa center island habang nahagip din ng bala si Pintukan.
Ayon sa pahayag ni Alyana Padua sa pulisya, kasintahan ng nasawi, wala siyang alam na kaaway ng lalaki kaya’t wala siyang ideya kung sino ang mga posibleng may kinalaman sa krimen.
Gayunman, sinabi ni Taguig police chief Senior Supt. Arthur Felix Asis na kilalang mga miyembro ng “Pitas Gang” o mga snatcher ang mga biktima batay na rin sa rekord ng pulisya na ang karaniwang nabibiktima ay mga pasahero ng pampublikong sasakyan na nakaipit sa trapiko.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang motibo sa pamamaril sa mga biktima na nagdulot ng pagkasawi ng isa sa kanila.
The post Miyembro ng ‘Pitas Gang’ utas sa riding-in-tandem appeared first on Remate.