KALABOSO ang kinahantungan ng isang padre de pamilya matapos pagtangkaang patayin ang kanyang sariling ina sa Tiaong, Quezon.
Kinilala ng awtoridad ang suspek na si Elmer Matundan, 50.
Nabatid sa imbestigasyon na lasing na umuwi ang suspek sa bahay ng kanyang ina na si Dorotea Matundan, 79, at kung anu-anong masasamang salita ang sinabi sa biktima.
Dito na nagsimulang magkaroon ng mainitang diskusyon ang dalawa hanggang sa itulak ng suspek ang biktima mula sa kanyang kinauupuan.
Hindi pa nakontento ang suspek at tinutukan pa ito ng balisong.
Matapos ito ay pinagbantaan ng suspek ang matanda na papatayin na naging dahilan upang magsisigaw ang ina at magpatawag ng pulis.
Bagama’t hindi itinuloy ang masamang tangka sa kanyang ina, ipinadakip pa rin ng biktima ang suspek sa mga pulis at ngayon ay sasampahan ng kasong attempted parricide.
The post Anak tangkang patayin ang ina, kalaboso appeared first on Remate.