KRITIKAL ang kalagayan ng isang 30-anyos na barker nang hatawin sa ulo ng isang dos por dos na kahoy ng kapwa barker nang hindi mabayaran ang pagkakautang nitong P20 kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Isasailalim sa operasyon sa Pasay City General Hospital ang biktimang si Robert Armea ng 2484 Apelo Cruz St. Brgy. 152 Zone-16 Malibay ng naturang lungsod sanhi ng tinamong tama ng malaking sugat sa ulo.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspect na nakilalang si Orville Ortega, barker, na agad tumakas matapos ang insidente.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Roderick Navarro ng Station Investigation and Detective Management Section ng Pasay City Police, dakong alas-11 ng gabi nang maganap ang insidente sa tapat ng Winston Hotel, Aurora Blvd. nang nasabing lungsod.
Sa pahayag ni Gellien Ann Vontilero, kalive-in ng biktima, kasalukuyan silang naglalakad sa kahabaan ng EDSA Southbound lane nang mapansin nila ang suspect na nakatayo sa harapan ng DLTB Bus Terminal.
Nilapitan umano sila ng suspect at pilit na sinisingil ng utang ng halagang P20.00 na tatlong araw nang utang ng biktima.
Sumagot umano ng pabalang ang biktima sa suspect at sinabi nitong wala siyang perang pambayad.
Nauwi umano sa mainitang pagtatalo ang kanilang diskusyon hanggang sa umalis ang suspect at nagpatuloy na lamang na naglakad ang mag-asawa.
Pagdating sa tapat ng Winston Hotel ay biglang sumulpot ang suspect na armado na ng kahoy at doon nitong dalawang beses na hinataw sa ulo ang biktima.
Duguang bumulagta ang biktima at mabilis na tumakas ang suspect.