NASA P100,000 ang natangay ng limang ‘di nakilalang kalalakihan habang sugatan ang isang delivery helper nang holdapin ang kanilang truck sa kahabaan ng Road 10 malapit sa Lakandula St.,Tondo, Maynila, kaninang madaling-araw.
Ginagamot ngayon sa University of Santo Tomas (UST) ang sugatan na si Marcelino Capitan, 45, may-asawa, ng Brgy. Sokol, Calamba City, Laguna.
Sa report ni MPD-PS2 Officer in Charge P/Chief Insp. Rennie David, alas-2:20 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa nasabing lugar.
Nauna rito, binabaybay ng biktima kasama ang driver ng delivery truck na may plakang XTZ-724 na si Nicolas Trollano, 33, ng Brgy. Masili, Calamba City, Laguna ang kahabaan ng Road 10 mula sa Navotas Fish Port nang mapahinto dahil sa trapik.
Dito na sumulpot ang limang ‘di nakilalang suspek at agad na sumakay sa minamanehong truck.
Habang nakatutok ang patalim kay Capitan, kinukuha ng mga suspek ang kanilang wallet, cellphone at ang bag na dala ni Capitan na naglalaman ng nasabing halaga ngunit tumanggi itong ibigay kaya sinaksak ito sa dibdib.
Nakapagmaneho pa si Trollano hanggang sa makarating sa UST hospital para dalhin ang kanyang pahinante.
Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang pangyayari.
The post P100k natangay sa fish delivery truck, helper sugatan appeared first on Remate.