MANANALASA na ang nabuong low pressure area (LPA) makaraang maging ganap na bagyo sa Silangan ng Mindanao.
Ani Jun Galang, weather forecaster ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang Tropical Depression sa layong 360 kilometers (km) silangan ng Davao City.
Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 45 km. per hour (kph) malapit sa gitna.
Nananatili ito sa karagatan at aabutin pa ng dalawang araw bago mag-landfall dahil may kabagalan ang pagkilos pakanluran.
Hanggang alas-6:00 ngayong Biyernes ng umaga, nakataas ang signal number 1 sa Davao Oriental, Davao del Norte, Surigao del Sur at Agusan del Sur.
Pinapayuhan ang mga apektadong residente na mag-ingat sa posibleng pagbaha.
Katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan ang inaasahan naman sa mga lugar na sakop ng 300 km. diameter ng bagyo.
Ang natitira namang bahagi ng Mindanao at buong Visayas ay makararanas ng mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan.
The post Bagyong ‘Caloy’ nagbabanta na sa Mindanao appeared first on Remate.