MILYONG halaga ng shabu ang nakumpiska ng magkasanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa isang Nigerian born US national matapos bentahan ng shabu ang isang poseur-buyer sa Tuguegarao City, Cagayan noong February 7, 2013.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang nahuling dayuhan na si Scoec Bosco, 40 anyos, at residente sa No. 79 Quirino Highway, Novaliches, Quezon City.
Nakumpiska kay Bosco ng mga elemento ng PDEA Regional Office 2 (PDEA RO 2) ang karagdagang 200 gramo ng shabu na nakalagay sa isang bag na may zipper at tinatayang nagkakahalaga ng P1.75 million pesos.
Isinagawa ang buy-bust operation ng PDEA RO2 sa pamumuno ni Director Juvenal Azurin at Cagayan at Tuguegarao PNP sa isang first class hotel sa Barangay 6, Tuguegarao City. Nakumpiska kay Bosco ang shabu na nagkakahalaga ng P30,000.
Sa isinagawang interogasyon, nadiskubre na si Bosco ay miyembro umano ng isang trans-national drug trafficking syndicate dahil lahat ng mga ipinakita nitong mga IDs ay mga peke at inaalam pa rin ng PDEA kung genuine ang hawak nitong passport.
Pansamantalang nakapiit si Bosco sa PDEA RO 2 Detention Facility habang inihahanda na ng PDEA ang mga kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na isasampa laban dito.