BAGSAK sa ikinasang security test ng Philippine National Police (PNP) ang isang kilalang Quezon City mall matapos makalusot sa security personnel ang kanilang undercover police personnel na makapagpasok ng baril sa loob nito.
Dahil dito, nadismaya ang Quezon City Police District (QCPD) sa kinalabasan ng kanilang pagsubok sa kakayahan ng seguridad sa Robinsons Magnolia sa may Aurora Bvld. at Hemady St., sa New Manila, Q.C. nitong nakaraang Biyernes ng hapon.
Sinabi ni QCPD chief Senior Superintendent Richard Albano na magkakasa sila ng kahalintulad na pagsubok sa iba pang shopping malls sa siyudad dahil may lapses pa silang nakita sa mga security personnel sa pagbabantay ng establisimyento.
Sa ikinasa, aniyang, pagsubok, dalawang pulis ang pumasok sa naturang mall na may dalang baril sa kanilang baywang pero hindi ito napansin ng guwardiya sa ikinasang pag-inspection nito sa main entrance ng mall.
Isa naman pulis ang naglagay ng baril sa kanyang dalang bag. Nakita man ito ng guwardya pero pinayagan ding makapasok matapos itong magpakilalang alagad ng batas nang hindi hinahanap ng kaukulang dokumento.
Nito lamang Enero 30, nakipagbarilan sa mga security personnels ang mga miyembro ng “Donut Gang,” na nagnakaw sa gulong ng nakaparadang sasakyan ng isang kostumer ng Robinsons Magnolia mall.
Naganap ang insidente halos isang linggo ang nakalipas nang magkasa ng panghoholdap ang armadong kalalakihan sa jewelry store heist sa SM Megamall sa Mandaluyong City.