KRITIKAL ang kondisyon ng isang municipal disbursing officer matapos barilin ng mga armadong holdaper sa P1.7-milion payroll robbery incident sa Brgy. Centro, Masbate City.
Kinilala ang biktima na si Elieser Alfornon, 44, disbursing officer sa munisipyo ng Claveria at residente ng Brgy. Poblacion 1, nasabing bayan.
Sa report, sakay ng tricycle ang biktima at papuntang Claveria dala ang P1.7-million na pampasahod sana sa mga empleyado nang mangyari ang insidente.
Sinasabing bigla na lamang tinambangan ng “riding-in-tandem” ang biktima gamit ang 9mm. pistol at hinablot ang dala nitong bag na naglalaman ng mga dokumentos bago binaril.
Agad namang dinala ang biktima sa Masbate Provincial Hospital na hanggang sa ngayon ay nag-aagaw-buhay pa.
The post Disbursing officer kritikal sa P1.7-M payroll heist appeared first on Remate.