TAGUIG CITY – BINITBIT ng mga elemento ng Station Anti-illegal Drugs Special Operations Task Group ang isang tricycle driver kasama ang kasabwat nitong obrero na hinihinalang sangkot sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot sa DBP Road, FTI Compound, Barangay Western Bicutan, kamakalawa ng gabi ayon sa accomplishment report ng mga operatiba.
Sa buy-bust operations ng mga awtoridad, kinilala nina SPO1 Jowel Briones at PO3 Christopher Bonifacio ang nahuling suspects sa akto ng pagtutulak ng droga na sina Tanny M. Sabaan, tricycle driver, 34, alyas “Tho”, nakatira sa 24 JP Laurel St., Brgy. Maharlika Village, Taguig City at Allan K. Abubakar, 44, construction worker, alyas “Al” at nakatira sa Pagalungan, Mindanao.
Bago nadakip ang mga suspek, sinabi ng mga awtoridad na nakipag-ugnayan sa kanilang himpilan ang isang confidential informant na nagsalaysay tungkol sa ginagawang pagkakalat umano ng droga nina Sabaan at Abubakar doon sa nabanggit na lugar.
Matapos na makuha ang buong detalye, agad na bumuo ng surveillance team ang operatiba na pinamumunuan ni PCInsp. Jerry O. Amindalan upang manmanan ang kilos ng kanilang target hanggang sa magpasya ang mga ito na painan ng marked money ang mga pinaniniwalaang salarin.
Sinabi ng mga undercover agents na dakong alas 7:00 ng gabi ng sunggaban nila ang dalawang hinihinalang tulak ng droga ng iabot ng mga ito ang dangerous substance.
Kinumpirma ng PNP Laboratory Service, Makati City na ang mga nasamsam na dalawang plastic sachet ay naglalaman ng 0.36 gramo ng pure methamphetamine hydrochloride o shabu.
Nahaharap sa kasong paglabag sa SEC 5 at 11 Art. 2 ng RA 9165 ang mga ikinulong na suspects.