MAHIGIT-KUMULANG 3,000 bahay ang nawasak at anim ang iniulat na namatay kaugnay sa naganap na magnitude 8.2 na lindol sa Chile.
Sa ngayon, pinabalik na sa kanilang mga tahanan ang halos isang milyong mamamayan sa Chile na lumikas kasunod ng lindol na tumama sa bansa kahapon ng umaga.
Subalit, marami rin ang nawalan ng tirahan nang makaraang burahin ng malakas na pagyanig ang nasa 2,600 kabahayan.
Ang lindol ay nagdulot din ng tsunami sa 16 na mga lugar sa Chile at Peru.
Maraming mangingisda ang nawalan ng kabuhayan dahil ang mga bangka ay sinira ng anim na talampakang tsunami.
Ayon sa mga observers, limitado ang pinsala ng pagyanig at walang maraming casualties dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng Chile sa building codes nito.
Bagama’t nagkaroon ng landslides, nasira ang mga daan at bumagsak ang linya ng komunikasyon sa mga lugar na apektado ng pagyanig.
Sa lungsod ng Iquique na siyang sentro ng lindol, kusang bumalik sa kulungan ang 131 sa 293 mga preso na tumakas nang tumama ang pagyanig.
Sa Peru na katabi ng Chile, pansamantala ring nagkaroon ng malawakang power blackout at lumikas ang ilang mga residente bagama’t walang naiulat na malaking pinsala.
The post 3,000 kabahayan nasira; 6 patay sa magnitude 8.2 na lindol sa Chile appeared first on Remate.