KRITIKAL sa karahasan ang isang negosyante nang pagbabarilin ng nakamaskarang lalaki sa Quezon kaninang umaga, Abril 3.
Nagtamo ng pito o mas higit pang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan at inoperahan sa Candelaria United Doctor’s Hospital ang biktimang si Donato Contia, 41, residente ng Barangay Cabatang, Tiaong, Quezon.
Blangko naman ang pulisya sa pagkakakilanlan ng suspek dahil nakatakip ang mukha nito. Hindi pa rin malaman kung ano ang motibo sa krimen.
Sa ulat, naganap ang insidente alas-8:15 ng umaga sa isang talipapa sa nasabing lugar.
Bago ito, bumibili ng isda si Contia sa isang talipapa sa Maharlika Highway-Cabatang Road nang lapitan ito ng suspek at pagbabarilin.
Bagama’t tinamaan sa unang pag-atake, nakatakbo pa rin ang biktima ngunit hinabol ito ng suspek at saka muling pinagbabaril.
Nakarekober ang mga awtoridad ng 14 na basyo ng kalibre .45 sa pinangyarihan ng krimen.
The post Kelot kritikal sa pamamaril sa Quezon appeared first on Remate.