MINARTILYO hanggang sa mapatay ng isang stay-in obrero ang 45-anyos na karpintero kaninang madaling-araw sa Sta. Mesa, Maynila.
Namatay noon din ang biktimang si Tito Gabin, tubong Barangay Halang, Calamba City, Laguna at stay-in sa ginagawang gusali sa 3991 Dangal St., Bacood, Sta Mesa.
Arestado naman ang mga suspek na si Joel Esplana, 28, ng Barangay Paking Sitio Sumagonsong, Molanay Quezon, nakatatanda nitong kapatid na si Teodenar, 35, kasalukuyang ginagamot sa Sta. Ana Hospital sanhi ng tama ng bakal sa dibdib at Arcenio Natada, 35, kapwa stay-in na obrero sa 3991 Dangal St., Bacood, Sta Mesa, Manila.
Sa imbestigasyon, ala-1:00 ng madaling-araw nang naganap ang insidente sa loob ng ginagawang gusali sa kanto ng Bagumbayan at Bataan Extension, Bacood, Sta. Mesa.
Sa salaysay ni Jayson Olanda, 19, stay-in na obrero, bago naganap ang insidente ay nag-iinuman ang biktima, si Natada at magkapatid na Esplana kung saan dumalaw lamang ang nakababatang Esplana sa lugar.
Nang makainom na ay nagpaalam na sina Natada at nakababatang Esplana at nagtungo sa barracks upang matulog.
Ilang sandali pa nang narinig ang biktima na sumisigaw at hinahamon ng suntukan ang nakatatandang Esplana na nauwi sa panununtok sa huli dahilan upang bumagsak at tumama ang kanyang dibdib sa isang bakal.
Bagama’t may tama ang nakatatandang Esplana, pumunta ito sa barracks at nagsumbong sa kanyang kapatid at kay Natada.
Dito na kumuha ng martilyo ang nakababatang Esplana at hinabol nila ang biktima kung saan nakorner nila io at pinagsusuntok bago minartilyo.
The post Karpintero todas sa martilyo appeared first on Remate.