NAUWI sa madugong pakiusapan ang hindi pagkakaunawaan sa kanilang duty shift nang barilin ng isang security guard ang kasamahang guwardiya kahapon ng umaga sa Las Piñas City.
Patay na nang dumating sa Las Piñas District Hospital sanhi ng isang tama ng bala ng kalibre .38 sa dibdib ang biktimang si Indoma Sollestas, stay-in security guard ng Marcelo Villas Condominium na nasa Diego Sierra Avenue, Pulang-lupa, Uno habang nadakip naman ng mga rumespondeng pulis ang suspek na si Ronel Montalla.
Si Montalla ay sinampahan ng kasong murder sa piskalya ng Las Piñas matapos lumabas sa imbestigasyon na nagkaroon muna ng pagtatalo ang dalawa bago napatay ang biktima.
Sa imbestigasyon, naganap ang insidente alas-7:15 na umaga sa loob ng security office ng Marcelo Villas Condominium makaraang magtalo ang dalawa kaugnay sa kani-kanilang oras ng duty.
Uminit ang pagtatalo ng dalawa hanggang bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan sa dibdib ang kasamahang guwardiya.
The post Away sa duty shift; Sekyu utas sa kasamahan appeared first on Remate.