AGAW-BUHAY sa pagamutan ang isang American national matapos pagsasaksakin ng kaanak ng kanyang kinakasama kagabi sa Taguig City.
Kasalukuyang inoobserbahan sa Taguig-Pateros District Hospital sanhi ng mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Mark Benger, tubong Florida, USA at kasalukuyang naninirahan sa 61 Faculty St., Barangay Sta. Ana.
Nadakip naman ng mga rumespondeng tauhan ng Ususan Police Community Precinct (PCP) ang suspek na si Rolando Orquita habang nakatakas ang kanyang apat pang kasama na ang isa ay nakilala sa pangalang Eddie Oray.
Sa imbestigasyon, nag-iinuman sa bangketa ng Faculty St. ang mga kaanak ng kinakasama ni Benger nang imbitahan nila ang dayuhan na makipag-inuman sa kanila.
Alas-10:45 ng gabi matapos maubos ng grupo ang ilang bote ng alak, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at ang suspek na nauwi sa pagsusuntukan habang wala namang ginawa ang mga kainuman para awatin ang dalawa.
Nang kapwa mahulog ang dalawa sa kanal, bumunot na ng patalim si Orquita at inundayan ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima.
Hinahanap na ng pulisya si Oray at tatlo pa nilang hindi nakilalang kasama upang panagutin sa nangyaring insidente.
The post Kano pinagsasaksak ng kaanak ng ka-live-in appeared first on Remate.