BUMULAGTA sa kalsada ang isang jail warden habang sugatan naman ang tauhan nito nang pagbabarilin ng riding in-tandem sa Surigao province nitong Huwebes ng gabi, Abril 10.
Nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan at namatay noon din ang biktimang si Jail Inspector Daniel Uy.
Dinala naman sa pagamutan sanhi ng tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan ang tauhan ni Uy na si Jail Officer 1 Jonas Terin.
Blangko pa ang pulisya kung sino ang mga salarin pero isa sa sinisilip na motibo sa pagpatay ay may kaugnayan sa trabaho ni Uy bilang jail warden.
Sa ulat, naganap ang insidente alas-8:15 nitong Huwebes ng gabi sa national highway ng Lianga town sa Surigao del Sur.
Ayon kay Police Superintendent Martin Gamba, Police Regional Office 13 spokesman, bago ang insidente ay lulan sa motorsiklo ang mag-amo at pauwi na para ihatid ni Terin si Uy sa kanilang bahay.
Pagsapit sa lugar, biglang pinaputukan ng mga salarin na sakay din sa motorsiklo ang magkaangkas na sina Uy at Terin na kapwa tumimbuwang sa kalsada.
The post Jail warden tigbak sa ambush appeared first on Remate.