AGAW-BUHAY ang isang 27-anyos na seaman makaraang mawalan ito ng kontrol sa kanyang minamanehong motorsiklo, tumilapon ito at nahulog sa Kalayaan flyover kahapon ng umaga sa Makati City.
Kung hindi nakasuot ng protected helmet, malamang na nasawi ang biktimang si Clark Macasadia, nakatira sa 720 San Diego St., Sampaloc, Manila matapos lumagapak sa bahagi ng EDSA at mahulog mula sa Kalayaan flyover na may taas na 20-talampakan alas-8:30 ng umaga kahapon.
Sa imbestigasyon, galing sa Kalayaan Avenue at patungo sa Buendia Avenue si Macasadia, sakay ng motorsiklo na may plakang 8315-NP nang bumangga sa gutter pagdating sa itaas ng Kalayaan flyover.
Dahil sa bilis ng takbo, nawalan ng kontrol at nakabitiw sa manibela ang biktima kaya’t tumilapon hanggang sa mahulog sa tulay habang naiwan ang kanyang motorsiklo.
Agad namang nakapagresponde ang Rescue Team ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at isinugod sa Ospital ng Makati ang biktima kung saan sinabi na nasa malubhang kalagayan ito dahil nabali ang mga buto sa tadyang at hita.
Pinangangambahan naman na mapuputulan ng hita ang biktima sanhi ng pagkadurog ng kanyang mga buto.
The post Seaman nahulog sa flyover sa Makati, kritikal appeared first on Remate.