DROGA ang sinasabing dahilan upang pagbabarilin at mapatay ang makulit na lalaki kung saan sugatan ang magkapatid na menor-de-edad nang tinamaan ng ligaw na bala mula sa gunman sa Caloocan City, Huwebes ng hapon, Abril 10.
Namatay sa pinangyarihan ng insidente sanhi ng tama ng bala sa katawan si Reynaldo Priela, alyas Kulet, 32, ng Phase 4-B, Bagong Silang, nasabing lungsod.
Ginagamot naman sanhi ng tama ng bala sa katawan sa Jose Rodriguez Memorial Hospital sina Manuel Legaspi III, 13 at kapatid na si Shiella, 14, kapwa kapitbahay ng nasawi.
Sa ulat, alas-3 ng hapon, nakaupo ang nasawi kasama ang isang kaibigan sa tapat ng tindahan ng halo-halo ng nanay ng magkapatid nang dumating ang mga suspek sakay ng motorsiklong walang plaka at parehong naka-helmet at facemask.
Agad na bumaba ang nakaangkas at walang salitang pinutukan ang nasawi kung saan kahit sugatan ay nagawang makatakbo pa subalit hinabol ng gunman ng mga putok.
Muling tinamaan ng bala sa likod ang nasawi na naging sanhi ng agad na kamatayan habang nahagip din ang magkapatid na nasa malapit sa tinakbuhan ng una na naging dahilan upang dalhin sa JRMH habang tumakas naman ang mga suspek.
Nabatid sa utol ng nasawi na sangkot ito sa droga at binaril na rin ng hindi rin kilalang suspek subalit nakaligtas noong Agosto, 2013.
Inaalam na ng mga pulis kung sino ang mga suspek.
The post Makulit itinumba ng riding-in-tandem sa Caloocan appeared first on Remate.