TIGBAK habang naka-duty ang isang security guard nang makipagbarilan sa may anim na armadong kalalakihan na tangkang holdapin ang construction firm na binabantayan nito sa Cagayan de Oro City, kaninang umaga, Abril 12.
Nagtamo ng mahigit sa limang tama ng bala ng kalibre .45 sa iba’t ibang parte ng katawan at namatay habang ginagamot sa pagamutan ang biktimang si Renate Sablahon, 35, tubong Talakag, Bukidnon at security guard ng Tabunaway security agency.
Sinabi ni Chief Insp. Alfredo Ortiz Jr., hepe ng Carmen Police Station, naganap ang insidente alas-10:15 kaninang umaga sa loob ng FDB marketing sa Kapisnon, Barangay Kauswagan, CDO.
Bago ito, pinasok ng mga suspek ang nasabing kumpanya ngunit pumalag at nakipagputukan si Sablahon sa kanila.
Pero dahil outnumbered, napatimbuwang ang biktima pero naging hudyat naman ito para maisara agad ng mga empleyado ang kanilang opisina.
Dahil hindi nakapasok at sa inis, binalikan ng mga suspek ang biktima at kahit nakatimbuwang na ito sa sahig ay muli na namang binaril ng ilang ulit.
Tinangay ng mga suspek sa pagtakas ang issued firearms na shotgun ng biktima.
Mayroon namang namukhaan sa CCTV camera footages na isang suspeK na maaring maging susi para mahuli ang nasabing grupo ng holdaper.
The post Sekyu kumasa sa 6 kawatan, tigbak appeared first on Remate.