SUGATAN sa pakikipaglabo ang 13 pulis matapos salubungin ng mga estudyanteng nagpo-protesta sa Cotabato kaninang umaga (Pebrero 13).
Isinugod sa Kabacan Medical Specialist Center sanhi ng tinamong kapansanan sa ulo at katawan ang mga biktima na sina Ronald Abayasa; Ryan Valdez; Elmer Dizon; Jeff Concepcion at dalawa na nakilala lamang sa kanilang apelyido na sina Saturnino, Taniala, at Ballescas, na pawang ang ranggo ay Police Officer 1 at miyembro ng Cotabato Provincial Police Office.
Sinabi ni Senior Supt. Danny Peralta, CPPO director, apat na nag-aaklas na hindi pinangalanan ang kanilang dinampot sanhi ng pagdadala ng mga patalim at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-3 ng madaling araw sa tapat ng University of Southern Mindanao (USM) sa Cotabato City.
Bago ito, sinabi ni Peralta na pumunta sila sa nasabing eskuwelahan para buksan ang main gate na isinara ng mga nagpoprotestang estudyante at faculty members, at para matiyak ang may 12,000 college students at ang kanilang professors ay makapasok sa loob ng naturang eskuwelahan.
“But they [cops] were met with so much force and violence by the protesters so they also had to protect themselves,” pahayag ni Peralta.
Sinabi ni Dr. William dela Torre, isa sa mga co-conveners ng USM Multi-Stakeholders Movement for Truth and Justice, ang namumuno sa protest actions na nagsimula noong pang Enero 14, ay sumisigaw ng katarungan at ikinokonsidera ang pagtatangka ng pulisya na i-disperse ang mga nagpoprotesta na “police brutality.”
Ayon pa sa grupo, itutuloy nila ang pag-aaklas hangga’t hindi napapatalsik si Jesus Antonio Derije bilang USM president.
Wala, anilang, moral ascendancy si Derije para mamuno pa sa unibersidad dahil sa graft complaints na isinampa laban dito.
Pero ayaw umalis sa puwesto ni Derije, na ang reappointment order mula sa Commission on Higher Education (CHED) ay nakuha nito noong Enero 4.
Base sa CHED’s order, si Derijie na pinabulaanan ang akusasyon laban sa kanya ay mananatili sa kanyang puwesto hanggang 2016.