BANGKAY na nang matagpuan ang dating katambal ni Star For All Season na si Vilma Santos na si Fil-Spanish singer-actor Antonio Morales, o mas kilala bilang si Junior sa kanyang bahay sa Madrid sa Spain nitong nakaraang Martes, ayon sa ulat.
Sa ulat ng Latin Times, pinuntahan ng anak ni Morales na si Carmen ang bahay ng kanyang tatay nang hindi sagutin ang kanyang mga tawag.
Dahil sarado ang lahat ng pintuan, pinuwersa ng hardinero ng singer-songwriter ang pintuan ng kuwarto ng kanyang amo para mabuksan.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, wala naman nakitang ebidensiya ng “foul play” ang mga doktor na tumingin sa bangkay ni Morales.
Ayon sa mga doktor, “natural causes” ang sanhi ng pagkamatay ni Morales, at may 12 hanggang 14 oras na ang nakalipas bago natagpuan ang kanyang bangkay. Siya ay namatay sa edad na 70.
Bagamat ipinanganak sa Pilipinas noong 1943, lumipad siya at ang kanyang pamilya sa Spain noong 15-anyos pa lamang para doon manirahan. Doon nagsimula ang kanyang career sa pagkanta.
Noong dekada 80′s, bumalik ito sa Pilipinas at lumabas sa ilang pelikula.
Ilan sa kanyang mga nakasama sa pelikula ay sina Vilma Santos at Lloyd Samartino (“Good Morning Sunshine”), Lorna Tolentino at Charo Santos (“Disco Madhouse”), at Nora Aunor at Dolphy (“Bongga Ka Day”).
Higit siyang sumikat dahil sa isinulat niyang kantang “Yakap,” na kanyang kinanta kasama ni Vilma Santos sa “Good Morning Sunshine.”
Ang nasabing awitin ay kinanta na rin nina Ogie Alcasid at Charice Pempengco.
The post Ka-love team ni Vilma Santos natagpuang patay appeared first on Remate.