HAWAK na ngayon ng regional headquarters ng PNP Northern Mindanao ang mga high powered firearms na kanilang nakumpiska sa isang vice mayor sa bayan ng Pantao Ragat sa lalawigan ng Lanao del Norte kaninang madaling araw (Pebrero 13).
Sinabi ni Regional Criminal Investigation and Detection Unit (RCIDU) regional director Senior Supt. Eliseo Rasco, na kanilang nilusob kasama ang PNP Manila ang pamamahay ng suspek na si Lacson Mangontara Lantud batay na rin sa search warrant na ipinilabas ni National Capital Region (NCR) Regional Trial Court Branch 22 Executive Judge Mario de la Cruz Jr.
Ayon kay Rasco, umaabot sa kabuuang 45 high powered firearms, assorted ammunitions at Army paraphernalia ang nakuha sa basement area sa pamamahay ni Lantud sa Barangay Poblacion sa nasabing bayan.
Kabilang sa mga nabawi ng pulisya ay isang M60 machine gun, 1 BAR, anim M203 grenade launchers, dalawang M79 grenade launchers, siyam na M14 rifles, dalawang M16 rifles, 14 garand rifles, anim na short handguns at assorted ammunitions.
Kaugnay nito, nakatakdang ipadala sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) laboratory ang nasabing mga baril upang isailalim sa ballistic examination para matukoy kung dati na bang nagamit sa pamamaril ang nasabing mga baril.
Kasong illegal possession of firearms at ammunitions ang nakatakdang kaharapin ng suspek at maging ang mga tauhan nito.
Nilinaw ni Rasco na nang sinalakay nilang bahay ay nagkataong wala doon ang opisyal dahil may official business ito sa Metro Manila at tanging ang asawa nitong si Mayor Eleanor Dimaporo-Lantud ang naabutan nila.
Napag-alaman na ito na ang pinakamalaking bilang ng baril ang nakumpiska ng pulisya simula nang ipinatupad ang nationwide gun ban ng Commission on Elections dahil sa nalalapit na midterm.