SUGATAN ang isang sekyu matapos pumutok ang pinaglalaruan baril ng kasama at tamaan ang una habang nanonood ng telebisyon sa loob ng guard house sa Valenzuela City, Lunes ng gabi, Abril 21.
Ginagamot sa Valenzuela General Hospital (VGH) sanhi ng tama sa magkabilang palad si Jun-Jun Malana, 18, ng Kasiglahan Village, Rodriguez, Rizal.
Nadakip naman at nahaharap sa kasong frustrated homicide si Mark Anthony Cariño, 19, ng Sitio Inarawan, Antipolo, Rizal.
Base sa ulat, alas-8:30 ng gabi, katabing nanonood ng biktima ang suspek sa guard house sa Big Thumb Enterprises sa Plastic City, T. Santiago St., Canumay West ng tanggalan ng bala ng huli ang service firearm na kalibre .38.
Nang matanggal, kinargahan ng suspek ng isang bala ang baril bago pinaikod sa daliri hanggang sa pumutok at tamaan ng biktima sa kaliwang kamay na tumagos at tumama sa kanang kamay.
Dinala ang biktima sa VGH habang nadakip ang suspek at sinampahan ng nasabing kaso.
The post Sekyu sugatan sa pinaglaruang baril appeared first on Remate.