ANIM katao ang sugatan sa magkahiwalay na vehicular accident sa Quezon City kaninang madaling-araw, Abril 23.
Sa unang insidente na naganap sa Commonwealth Avenue, apat na babae na hindi nakuha ang mga pangalan ang nasaktan at isinugod sa East Avenue Medical Center (EAMC) sanhi ng gasgas, bukol at sugat sa katawan.
Ayon sa QCPD-Traffic Sector 5, binangga ang isang Taguig Metro Link bus ng isang Fermina Express bus alas-5 a.m. na sinasakyan ng mga biktima.
Sinabi ni Taguig Metro Link bus driver na si Jimmy German na tinapakan niya agad ang kanyang preno nang sumingit ang isang motorsiklo sa kanyang harapan.
Dahil aniya dito, nabangga siya ng Fermina Express bus at dalawa pang pribadong sasakyan.
Nangako naman ang Fermina Express na babalikatin ang gastos sa ipampapa-ospital ng mga biktima.
Ilang sandali lamang ang nakalipas, dalawang motorcycle rider naman ang nasaktan nang magsuwagan ang kanilang sasakyan sa Quezon Avenue malapit sa Eliptical Road.
Ang biktimang si Niño Valencia ay nagtamo ng kapansanan sa katawan habang ang isa pang biktima na si Tejpal Singh ay naputukan ng ulo dahil walang suot na helmet.
Depensa ni Valencia na kaya niya nabangga ang motorsiklo ni Singh ay dahil nasa kabilang direksyon ito ng trapiko.
Hinala naman ng pulisya na lasing si Singh nang maganap ang insidente.
The post 6 sugatan sa magkahiwalay na aksidente sa QC appeared first on Remate.